My Number Zero Fan: Track 8

Mahigit dalawang linggo na akong hindi nagpapakita sa paaralan. Medyo humupa na ang mga isyu at intriga pero tuwing may magtatanong sa’kin palihim tungkol sa isyu lagi ko na lamang sinasagot ng ngiti. Gusto ko kasi munang makausap si fan girl bago ko sagutin ang lahat.

Galit kaya siya sa’kin? Ano kayang magiging reaksyon niya sa paglitaw ko ngayon? Ilang araw ko siyang pinaghintay sa silid na yun. Napapaisip tuloy ako kung naghihintay nga ba siya. Ayaw kong magkahiwalay kami dahil lamang dito. Ang komplikado naman kasi ng lahat! Napakasama ko pa dahil gusto kong panghawakan ang dalawang bagay na sobrang importante sa’kin!

 —

Papunta ako sa silid pang-musika ngayon. Malalim na din ang gabi. Umaasa akong pagbukas ko ng pinto ay makikita ko ulit ang isang babaeng tumutugtog at ngingiti sa’kin tuwing papasok ako sa silid.

Napadaan ako sa may mga lagayan ng gamit naming mga estudyante. Nakita ko ang lagayan niya pero hindi ko inaasahan ang tumambad sa’kin. May isang papel kasing nakasangat dun kaya hinigit ko ‘yun dahilan upang malaman kong hindi pala nakasara ang lagayan niya. Tumambad sa akin ang ilan pang mga sulat at mga papel. Pagtingin ko sa hawak kong papel ay agad akong tumakbo papunta sa silid kung saan kami nagkikita.

Nasa pasilyo palang ako pero rinig kong may kumakapa ng piano. Sigurado ako na nandito siya. At pagbukas ko ng pinto…

“Andyan ka na pala Jamilo. Ang aga mo ah?”

Ibinungad niya agad ang kanyang nakakasilaw na ngiti. Hinawi ko ang aking buhok sabay ginusot ang papel na hawak-hawak ko. Sa mga nakalipas na araw, ngayong nasa harap ko na ang babaeng ito, mas naging klaro sa’kin ang lahat. Para protektahan siya mula sa lahat ng mga kag*g*han na ito, iisa lamang ang dapat kong gawin.

“Pumunta lang ako dito dahil nagbabakasakali akong nandito ka pa. Hindi ko talaga inaasahan na hihintayin mo nga ako.”

Subalit ang totoo ay umaasa akong nandun siya. Umaasa akong pagkabalik ko sa paaralan, makakapiling ko muli siya. Magiging malaya na kami. Pipiliin ko siya sa kabila ng aking trabaho. Sasabihin ko sa lahat na siya ang babaeng napili ko at nais kong mahalin pero…

Sumandal ako sa may pintuan. Ayaw kong lapitan ang babaeng ‘yun. Ang hirap maghanap ng lakas ng loob at baka kapag nilapitan ko siya, mawala lahat ng inipon kong lakas. Inilagay ko ang papel na hawak ko sa aking bulsa. 

“Gusto ko lang sabihin na… Mas makakabuti kung maghihiwalay na tayo.

Nanlaki ang mga mata niyang nakatitig sa’kin. Nakakagulat nga naman kasi, ‘di ba? Hindi ako ang inaasahan niyang lalaking poprotekta sa kanya. Isa akong masama at walang kwentang nilalang.

Iniwas niya ang tingin niya at binaling ito sa piano na kaharap niya.

Katahimikan.

Wala ni isa samin ang nagsalita.

“Ano ‘yang papel sa bulsa mo?”

Isang tanong na bumasag sa katahimikan. Hindi ko alam kung dapat ko bang sagutin o hindi.

“Galing yan sa lagayan ko? Akala ko pa naman naitapon ko na ‘yang mga ‘yan.”

Bigla siyang ngumiti. Isang napakasinungaling na ngiti. Pilit niyang itinatago ang lahat ng nararanasan niya mula sa’kin. Ganun ba talaga ‘yun?  Maging ang mga sulat na ito? Sinubukan niya ba akong tawagan noong mga panahon na hindi ko siya kinakausap? Tiningnan ko siya habang nilalaro ng kaliwang kamay niya ang mga nota sa piano.

“Kailan pa… Nagsimula ang mga ito?”

Hindi niya ako tinitingnan pero sumasagot siya.

“Hindi mo naman dapat tinatanong ‘yan, ‘di ba?”

Naiinis ako sa pagiging baliw ng babaeng ito. Nilapitan ko siya at inilapag and papel sa piano na parang hinampas ko sa pagmumukha ng kung sino man.

Nakasulat dito ang mga katagang, MAMATAY KA NA! KAPAL NG MUKHA MONG LANDIIN SI JAMIL! WALANG HIYA KA! MALANDING HITAD!

“Ano pa ba ang itinatago mo sa’kin bukod dito? Ha?

Hindi siya tumitingin sa’kin. Hindi niya ako iniimik. Hanggang sa kinuha ko ang kanyang kanag kamay at itinaas ito.

“..Yang kamay mo?! Anong nangyari?”

Nakita ko na puro benda ang bawat daliri nito. Napatayo siya sa pagkakahablot ko pero hindi pa din niya ako tinitingnan.

“Ganon nalang ‘yun? Ayaw mong magsalita.”

Binitiwan ko siya at napatingin sa ibang direksyon na tila nag-iipon nanaman ako ng lakas ng loob. At saka ako naglakad ng bahagya para umalis at sabihing…

“Hiwalay na tayo.”

Madaming gumugulo sa isipan ko ngayon. Sa isang iglap kasi biglang nagbago ang desisyon ko. Ang makita pala siya pagkalipas ng mga araw ang pinakamainam na solusyon para malaman ko ang dapat kong gawin.  Ang sakit na nga ng ulo ko pati ba naman puso ko nakikisama din. Sy*t talagang mundo ito.

Bigla niyang hinigit ang damit ko mula sa likod. Napalingon ako para tingnan siya na nakatungo.

“…Ayaw mo na ba sa’kin? Hindi mo na ako gusto? Pwede bang… Bigyan mo muna ako ng magandang rasonkung bakit dapat tayong maghiwalay?”

Bakit ba ayaw niya akong tingnan? Samantalang ako hirap na hirap na para lang harapin siya.

Inalis niya ang kamay niyang nakakapit sa aking damit at tuluyan akong tumalikod para harapin siya.

“Sabihin mo nga sa’kin kung bakit ang dami mong tinatago sa’kin? Bakit ba hindi mo sinasabi ang mga  kawalanghiyaang nangyayari sa’yo? Bakit hindi mo ko matingnan ng diresto ngayon?”

Sinubukan ko siyang ipatingin sa’kin pero iniiwas talaga niya ang kanyang titig. Hanggang sa hindi na niya napigilan ang pagpatak ng mga luha sa kanyang mga mata.

“Hindi kasi makita mo ako sa ganitong sitwasyon pagkatapos ng lahat.”

Pagkatapos ng lahat? Ibig sabihin nagpipigil siyang ipamukha sa’kin ang bawat paghihirap niya sa mga walang kwentang fans namin? Ganoon ba ‘yun? Ganoon nalang ba ‘yun?

Niyakap ko siya ng sobrang higpit. Ayaw ko siyang pakawalan. Hindi ko naman talaga ginustong pakawalan siya. Sana ganito nalang ang buhay namin. Tahimik kaming magsasama. Walang kokontra at walang makikialam. Sa pagkakataong ito, naisip ko kung paano kaya kung hindi ako naging sikat? Magkakakilala kaya kami? Mamahalin ko pa din kaya siya? Sy*t. Gusto ko siyang patahanin. Itago sa mundo ng showbiz at fans. Ayaw kong nakikita siyang umiiyak. Kumikirot kasi ang puso ko.

“Kung sasabihin kong ito ang dahilan kung bakit ko gustong makipaghiwalay?”

Inilayo niya ako habang pinupusan ang kanyang mga luha.

“A-alm mo n-namang.. h-hindi ako.. p-payag d-diba?”

Tamo mo ‘to. Nauutal na dahil sobra kung umiyak. Kahit paano lumuluwag na ang dibdib ko. Pinapahanga niya talaga ako. Sa kabila ng lahat, pinipilit niyang itago ang mga luha niya mula sa’kin. Siya lang talaga ang babaeng para sa’kin.

Ginulo ko ang buhok niya.

“Gusto kitang protektahan.. sa totoo lang. Alam kong napakasama at napakagahaman kong tao. Bakit hindi ko magawang bitiwan ang trabaho ko para sa’yo. Bakit din ayaw kitang pakawalan? Hindi ko talaga alam ang dapat gawin. Pero dahil sa nakita kita ngayon sa ganyang kalagayan, napagtanto kong mas mabuti nga kung malaya ka. Nakakasakit ang mundo ng showbiz at ayaw kitang idawit pa sa magulong mundo namin. Aantayin ko ang panahong muli tayong pagsasamahin ng pagkakataon. Kung maaantay mo din iyon, matutuwa ako.”

Nginitian ko siya. Kahit napakasakit, kailangan kong ngimiti dahil ganoon din katapang ang babaeng nasa harapan ko ngayon.

Nagulat ako ng bigla siyang humarap sa’kin. Namumula pa ang mga mata niya at matubig-tubig pa.

“Ganid din naman ako kasi tinago ko sa’yo ang lahat ng ito.”

Sabay ipinakita niya ang kamay niyang puno ng benda.

“At saka ayoko din naman na ako ang magiging dahilan ng pagkawala ng trabaho mo. Alam mo namang dahil sa musika mo kaya kita nakilala, ‘di ba? Gustong gusto kong naririnig kang tumutugtog. Kaya madami pa ang dapat makarinig niyan. Madami pa ang mabibihag mo diyan.”

Tapos bigla niya akong sinuntok sa balikat. Pero mahina lang yun. Para lang siyang batang nagtatampo.

“Ang sa’kin lang, paano kung ito nalang ang pagkakataon?

Nung sinabi niya ang mga katagang iyon ay para tinusok ng kung ano ang aking puso. Paano nga naman kung ito nalang ang aming pagkakataon? Dapat nga naman kami ang gumagawa ng sarili naming tadhana. Lalo ko tuloy gustong panghawakan ang babaeng ito.

Nagpipigil nanaman siya ng mga luha kay umiba na naman ang direksyon ng mukha niya. Tinatago pa din niya sa’kin ang mga paghihirap niya.

Hinawakan ko ang kanyang pisngi at pinahid and bakas ng mga luhang pinakawalan niya.

Sa pagkakatong ito… hinalikan ko ang mga labi niya.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s