DAKILA (9)

Kabanata 9: Ang Sikreto ni Hulyo

 

“Hindi ba’t kakaiba ang bago nilang kasamahan?”

“Bakit hindi nila nabanggit ang tungkol sa kanya? Sigurado ba kayo na magagawa natin ‘to?”

“Wala tayong pagpipilian. Kung hindi sila, tayo ang mamamatay.”

Sa kailaliman ng gabi ay naalimpungatan si Dakila. Sa kanyang pagmamasid sa paligid, napansin niyang nakatulog ang bantay nilang si Bo at maging ang bantay ng kabilang grupo. Dahil naiihi na din siya, minarapat na niyang maglakad-lakad at maghanap ng lugar na mapag-iihian.

Sa kanyang paglalakad, nakarinig siya ng mga bulungan. Agad na naging alerto si Dakila at unti-unting nilapitan ang nagbubulungan.

“Maigi nalang at napakain natin sila ng pampatulog.”

“Huwag ka nga! Maigi nalang kamo at may dala akong mga puno ng saging para malinlang sila!”

“Tumigil na kayo. Mabuti pa ay simulan na natin ang–”

Dali-daling bumalik si Dakila sa kanilang kampo. Ngunit hindi na niya nadatnan ang kanyang mga kasamahan sa nasabing lugar. Bagkus, nakita niya si Hulyo na nakasandal sa isang puno na tila ba inaabangan si Dakila. Kakaiba na ang itsura nito dahil tumalas ang kanyang mga daliri. Maging ang mga tainga at ngipin niya ay tumalas din. Mapapasin din na pumayat siya at parang naging butu-buto ang katawan.

“Hindi ako nagkamali na hindi ka tatablan ng pampatulog.”

“Walang kwenta kasi ang ginamit niyo. Nasaan sina Simon?”

“Huwag kang mag-alala. Papalitan naman namin sila. Walang malalaman ang kanilang mga pamilya sa pangyayaring ito.”

“At sa tingin mo, makatarungan ang ginagawa niyo?”

“Wala kang alam sa nangyayari sa paligid mo. Kung tahimik ka nalang na sasama sa amin, wala ka na din dapat pang alalahanin sa iyong pamilya.”

Sa mga panahong ito, nagsisisi si Dakila na hindi matatag ang kanyang kaalaman tungkol sa iba’t ibang nilalang ng mundong iyon. Alam niyang hindi tao ang kanyang kalaban ngunit bukod doon, wala na siyang ibang ideya dito.

“Kung kaya mo akong patahimikin, gawin mo.”

Sa pagkakataong iyon, mabilis na kinuha ni Dakila ang sibat na malapit sa kanya at hinagis ito kay Hulyo. Nakailag man ang kanyang kalaban ay agad naman siyang nawala sa paningin nito. Ito ang isa sa mga natutunan ni Dakila habang inaaral niya ang elemento ng kadiliman. Sa loob ng ilang segundo ay nakakapagtago siya sa dilim. Mabilis ang bawat pangyayari at ito ay pabor para sa mga nakatagong sandata ni Dakila. Mula sa tatlong magkakaibang posisyon, lumipad ang iba’t ibang maliliit na patalim patungo kay Hulyo. Kahit makaiwas siya sa isa ay tiyak tatamaan siya ng ibang patalim.

Naiwasan ni Hulyo ang dalawang patalim sa pamamagitan ng pag-maniobra sa ere ngunit, ang pangatlo ay tumama sa kanyang binti. Dumaplis ito sa kanyang kaliwang binti. Kasabay nito ay lumabas si Dakila sa likod ng isang punong katapat lamang ni Hulyo. Pinagmasdan ni Hulyo ang patalim na dumaplis sa kanyang binti at napansin niyang hindi talaga ito maliit na kutsilyo kundi pinatalas na mga buto.

“Anong ginawa mo?”

Isang segundo. Matapos ang isang segundo ng pagkakadaplis sa binti ni Hulyo ay hindi na niya maigalaw ang kanyang binti. Bukod dito, ramdam niyang unti-unting umaangat ang pagkaparalisa niya sa kanyang katawan.

Hindi siya kaagad na sinagot ni Dakila. Kinuha muna niya ng dahan-dahan at maingat ang tatlong patalim na kanyang inihagis saka ito itinabi.

“Kung gusto mo pang mabuhay, sagutin mo ang aking katanungan. Anong klaseng nilalang ka at saan mo dinala sina Simon? Anong gagawin niyo sa kanila?”

Hindi umimik si Hulyo. Mas nais pa nitong mamatay kaysa sagutin si Dakila. Kaya naman, kakagatin na niya ang kanyang dila ng biglang—

“Kung ayaw mong sugudin at ubusin ko ang iyong lahi, sagutin mo ang mga tanong ko.”

Tinutukan ni Dakila ng patalim ang leeg ni Hulyo. Sa sobrang bilis ng mga pangyayari, hindi namalayan ni Hulyo kung paano napunta si Dakila sa kanyang tabi.

“Marahil, mas mabuti pang ubusin mo ang aming lahi.”

Tutuluyan na ni Dakila si Hulyo ng biglang may sumigaw ng kanyang pangalan at sumunggab sa kanyang braso. Mabilis na nakaiwas si Dakila at itinago ang kanyang patalim.

Sa bilis kumilos ni Dakila ay hindi siya nahawakan ng nilalang na biglang dumating. Maya-maya pa ay hinihingal na dumating ang sumigaw ng kanyang pangalan.

“Anong ginagawa niyo dito, Kuman?”

Ang nilalang na hinihingal sa harapan ni Dakila ay si Kuman at ang nilalang na lumagpas kay Dakila at tumama sa isang puno ay si Kumal. Parehong naka anyong aswang ang dalawang iyon kaya naman bukod kay Dakila ay napaisip din si Hulyo. Bakit may mga aswang sa kampo nila at bakit kilala sila ni Dakila?

“S-sandali Dakila, maaari mo b-bang pakawalan muna ang kalag na iyong kausap?”

Tiningnan ni Dakila si Hulyo na siyang itinuro ni Kuman.

“Kalag?”

Nakatayo na muli si Kumal mula sa paglampas kay Dakila at pagtama sa puno. Siya ang sumagot sa nagtatakang binata.

“Isa siyang kalag na nagbabalat anyong tao. Mahusay silang gumawa ng mga replika mula sa puno ng saging.”

Batid sa mukha ni Dakila na hindi siya basta-basta makikinig sa sinasabi nina Kumal.

“Ngayon? Nais ko munang malaman kung bakit nandito kayo? Huwag niyong sabihin na inutusan kayo ni Sumalona na pakawalan ko ang isang ito?”

Nagkatinginan ang kambal.

“Ganoon na nga. Bago mahuli ang lahat, kailangan nating maabutan ang kanyang mga kasamahan. Kung hindi, baka hindi mo na makita pang buhay sina Simon.”

Kahit na wala naman talagang pakialam si Dakila kina Simon, hindi pa din maaalis ang pag-aalala sa kanya. Tiningnan niya si Hulyo. Ramdam ni Hulyo na hindi siya pakakawalan basta-basta ni Dakila kaya minarapat na lamang nito na sabihin ang totoo.

“Huli na. Malapit lamang ang tagpuan namin at ng mga balbal mula rito. Sa mga oras na ito, nakuha na nila ang mga kasamahan mo.”

Laking gulat nina Kuman at Kumal ngunit si Dakila ay nanatiling walang imik at nakatingin lamang sa kanya.

“Patayin mo na ako. Patayin mo na din ang aming lahi. Mas maigi pa ito kaysa dumami pa ang aming mga biktima.”

Nilapitan ni Dakila si Hulyo at itinarak sa kanyang binti ang isang patalim. Ikinagulat ito ng magkapatid na aswang ngunit, napansin din nila na unti-unting bumabalik sa anyong tao si Hulyo. Isa sa mga patunay na nawala ang lason sa katawan nito.

“Kung nagsisisi ka sa mga ginawa niyo, pagbayaran mo sa paraang makakatulong ka sa iba. Bilang isa sa mga haligi ng inyong lahi, wala kang karapatang mamatay at idiktang mamatay ang mga kasamahan mo.”

Tumalikod si Dakila at saka nagpatuloy sa pagsasalita.

“Kuman, Kumal, kailangan ko ang tulong niyo. Kailangan natin mabawi kahit mga labi na lamang nina Simon.”

Tumango ang magkapatid at kinausap si Dakila ukol sa mga posibleng ruta ng mga kalag.

“Sasama ako sa inyo. Alam ko na kailangang kami ang magtapos ng aming laban ngunit, kinakailangan ko ang tulong niyo. Para sa mga pinapahalagahan ko. Pakiusap! Tulungan niyo kami!”

Maluha-luhang sinabi ni Hulyo habang nakaluhod sa damuhan. Tanging ang magkapatid na aswang lamang ang lumingon sa kanya.

“Kung naiintindihan mo ang posisyon mo sa inyong lahi, tumayo ka dyan. Tutulungan kita ngunit, tulungan mo din ang sarili mo.”

Tumayo si Hulyo at agad na lumapit kay Dakila. Hindi na niya itinago sa binata ang tunay niyang anyo. Patunay na nirerespeto niya si Dakila.

“Ikatlong anak ni Galen, ikapitumpu’t pitong pinuno ng mga kalag. Ako si Gaalo at hindi ako matatahimik hanggat hindi ko nakakamtam ang hustisya para sa aming lahi.”

Iniabot niya ang kanyang kamay kay Dakila. Senyales na nais nitong makipag-kamay.

“Ikinagagalak kitang makilala Gaalo.”

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s