Ang Alamat ng Isang Mahikero: Kabanata 14

Kabanata 14: LAHAT TAYO AY ALIPIN NG SALIPI!!!

Narasyon:

Nakakilala sina Zephyr at Kashir ng isang matandang naglalakbay para hanapin ang anak niya at ang mga batang nawala sa kanilang bayan. Pinauwi nila ang matanda at sinabing sila na lamang ang maghahanap sa anak nito. Kapalit ng kanilang serbisyo, nagbigay ang matanda ng impormasyon tungkol sa isang impormante sa bayan ng “K”. Ikinatuwa ni Kashir ang kabayarang iyon kaya naman nagtungo na sila sa bayan ng K agad-agad.

Lugar: Paligid-ligid ng bayan ng “K”

Eksena: Naglalakad ang dalawang bida para makarating sa bayan ng “K” bago magtakip-silim.

Matapos ang ilang araw nilang paglalakbay para marating ang bayan ng “K” ay sa wakas, nasa teritoryo na sila ng nasabing bayan. Natatanaw na ng ating mga bida ang malaki at mataas na pader ng bayan.

Zephyr: Kashir! ‘Yun na ang nasabing bayan hindi ba? Ang daming gustong makapasok!

Kashir: Madami kasing naniniwala na ang kapalaran nila ay mababago sa bayan na ‘yan. Karamihan ng tao ay naghahanap ng trabaho dyan pero bukod dun, marami din kasing mga mangangalakal ang nakadestino dyan. Kung may nais kang bilhin na bagay, isa sa mga dapat mong puntahan ay ang bayan na ‘yan.

Zephyr: Mas malaki ba yan kaysa sa ”S”? Nabalitaan ko na ang “S” ang kapital ng ating kaharian. Nais kong magtungo doon at nandoon daw ang naglalakihang mga paaralan para sa mga nais maging kawal.

Kashir: Mas malaki ang “S” at kapital nga natin ‘yun!

Zephyr: Teka, bilisan na natin at malapit na magdilim!

Kashir: Saglit lang. Huwag kang aalis sa tabi ko pagkapasok natin sa loob ng bayan.

Zephyr: Hindi ba dapat ako magsabi niyan sa’yo at baka takasan mo na naman ako.

Kashir: Tsk. Tigilan na natin ‘yan. Tatakasan lang kita kung papasok ka na naman sa gulo tulad dun sa pagharap mo sa “masamang organisasyon”. Mabuti pa Zephyr, pagkapasok natin sa bayan, sumali ka sa “grupo ng mga mersenaryo”.

Zephyr: Sa totoo lang, naisip ko na din ‘yan. Kailangan natin ng tiyak na pagkukunan ng pera pero… dapat sumali ka din! Ako lang ba maghahanap-buhay sa atin?

Kashir: Ano ka ba! Kasapi ako ng “organisasyon ng mga mangangalakal”. Sapat na ‘yun.

Zephyr: Kumikita ka ba ng pera doon?

Kashir: Psh. Sapat na ‘yun para makakalap tayo ng impormasyon at nakakapagbenta ako ng mga gamit. Ngayon lang matumal at wala pa akong nakukuhang magandang ibebenta.

Zephyr: Sige na, sige na. Sabik na akong makita ang loob ng bayan. Tara na!

Lugar: Sa loob ng bayan ng “K”.

Eksena: Kakapasok pa lamang ng ating mga bida. Kahit na magdidilim na ay masigla pa rin ang bayan. Marami pa ring bukas na mga tindahan, maliit man o malaki. Maraming tao ang naglalakad-lakad sa gitna ng kalsada. May mga nakasakay din sa mga karwahe at kabayo.

Namamangha si Zephyr sa kanyang nakikita. Ito ang unang beses na nakakita siya ng malaking bayan na kahit sa gabi ay masigla pa rin. Naiiwan tuloy siya ni Kashir sa paglalakad sapagkat ninanamnam niya ang bawat nakikita.

Zephyr: Waaaaaw!

Kashir: Tara na! Magpaparehistro ka pa!

Nagtungo ang dalawang bida sa opisina ng mga mersenaryo. Makikita sa harap ng kanilang opisina ang bandera na may litrato ng pagkakakilanlan sa grupo. Ang nasabing litrato ay isang gintong barya na may dalawang espada na nakahugis ekis at nakapatong sa harap ng gintong barya. Patunay ito na sa bawat galaw ng mga mersenaryo ay may kapalit na salapi o halaga.

Pagkapasokng ating mga bida sa opisina ay nakita nila ang isang lamesa kung saan may nakaupong babae na nakangiti at tumatanggap ng mga bagong dating.

Zephyr: Magandang gabi!

Babaeng tumatanggap ng mga bagong dating: Magandang gabi din sa inyo mga ginoo. Anong maipaglilingkod ko?

Magsasalita pa lamang si Zephyr ngunit pinigilan siya ni Kashir.

Kashir: Maaari pa bang magparehistro para maging mersenaryo? Anu-ano ang mga kailangan para makapasok sa grupo?

Babaeng tumatanggap ng mga bagong dating: Pakikuha na lamang ang papel sa lamesang iyon at ito’y inyong sagutan. Ibigay ninyo sa akin kapag kayo’y tapos na para matingnan namin. Kapag ayos na ang lahat ay kailangan niyo lamang magbayad ng 1 gintong barya at hintayin ang inyong pangmersenaryong bato.

(1 gintong barya = 100 pilak na barya = 1000 kopernikong barya)

Kashir: Ahh… Paano malalaman kung anong ranggo ang matatanggap?

Babaeng tumatanggap ng mga bagong dating: Lahat ay nagsisimula sa mababang ranggo na “F” at kapag nakatapos ka ng misyon na mas mataas sa ranggo mo, ito ang magiging bagong ranggo mo. Kailangan mo lamang ipasa ang natapos mong misyon sa opisina ng aming grupo sa kahit saang bayan at sila na ang magbabago na ranggo.

Zephyr: Saan makikita ang mga misyon?

Babaeng tumatanggap ng mga bagong dating: Mayroon kayong makikitang pader sa may looban na maraming papel na nakadikit. Doon niyo makikita ang lahat ng misyon sa opisinang ito.

Kashir: Salamat. Babalik din kami.

Ngumiti na lamang sa kanila ang babaeng tumatanggap ng mga bagong dating. Nagtungo sila sa lamesa kung saan makikita ang isang papel na kailangan nilang sagutan. Habang nagsasagot si Zephyr ay panay ang bilin ni Kashir.

Kashir: Huwag mo ilagay ang tunay mong pangalan diyan at ang tunay na bayan kung saan ka nagmula.

Zephyr: Ha? Ano namang bayan ang ilalagay ko?

Kashir: Kahit yung apelyido mo na lamang ang iyong palitan. Sa bayan, ilagay mo nalang ang aming bayan.

Sinunod naman ni Zephyr ang bilin ni Kashir. Alam niyang para ito ay hindi sila matunton ng “masamang organisasyon” at nung misteryosong lalaki sa bayan nina Zephyr.

Kashir: At hindi ka muna kukuha ng misyon ngayon. Hahanapin pa natin ang impormante ni tatang at depende pa doon kung saan tayo pupunta kaya hindi tayo basta-basta dapat kumuha ng misyon.

Zephyr: Pero pupunta ba tayo sa bayan ng “AH”?

Kashir: Sira ka talaga. Gusto mo bang alamin ang katotohanan sa iyong tatay o mag-alaga ng hayop? Mamili ka at kapag pinili mo yung huli, iiwan kita dito.

Zephyr: Hmph.

Matapos sagutan ni Zephyr ay ibinigay na niya ito sa babaeng tumatanggap ng mga bagong dating.

Babaeng tumatanggap ng mga bagong dating: Kailangan ko na lamang ho ang inyong gintong barya at maaari muna kayong maupo sa loob para maghintay habang gagawin namin ang iyong pangmersenaryong bato.

Tiningnan ni Zephyr si Kashir.

Zephyr: Kashir. Bayad.

Kashir: Walangya. Ako pala ang magbabayad. Hindi ako nasabihan.

Zephyr: Nakakalimutan mo bang hindi mo pa naibabalik ang mga gamit ko?

Kashir: Tsk. Ito na nga.

At si Kashir nga ang nagbayad ng pangparehistro ni Zephyr. Matapos ang pakikipag-usap sa babaeng tumatanggap ng mga bagong dating, pumasok sa loob ang ating mga bida. Nakita nila ang iba pang mga miyembro ng grupo ng mga mersenaryo. May mga nakaupo at tila nagpapahinga o nakikipag-usap sa kapwa nila mersenaryo habang ang karamihan  ay nagtitingin ng mga misyon sa pader. Ang nasabing pader ay ang buong pader ng nasabing ng kwartong iyon.

Zephyr: Ang dami namang misyon. Akala ko kakaunti lamang at sabi nung babae limitado lamang sa opisina nila ang mga misyong makikita dito.

Hindi na nagsalita si Kashir at sa halip umupo sa isang bakanteng upuan na may lamesa. Si Zephyr ay tumungo sa isang parte ng pader at nagtitingin ng mga misyon. Di kalaunan, makikitang may mga kausap na sina Kashir at Zephyr sa kani-kanilang pwesto.

Maya-maya pa ay nilapitan na ng babaeng tumatanggap ng mga bagong dating si Zephyr at pinapunta ulit sa unahan ng opisina kung saan siya nakaupo. Sumunod naman si Kashir sa kanila.

Babaeng tumatanggap ng mga bagong dating: Narito na ang iyong pangmersenaryong bato.

Inilagay ng babaeng tumatanggap ng mga bagong dating ang isang itim na bato sa lamesa na kasing laki ng kalahating hinlalaki ni Zephyr sa kamay. Mayroon itong nakaukit na litrato ng pagkakakilanlan ng grupo ng mga mersenaryo.

Babaeng tumatanggap ng mga bagong dating: Ito ang magsisilbing pagkakakilanlan sa iyo ng grupo at kada tatanggap ka ng misyon ay kailangan ipresenta mo ang batong ito para maitala ang mga detalye sa misyon. Ito din ang magiging basehan ng mga tinapos mong misyon at kung anong ranggo mo. May itatanong ka pa ba?

Zephyr: Ilang misyon ang maaari kong kunin?

Babaeng tumatanggap ng mga bagong dating: Maaari kang kumuha ng kahit ilan at sabay-sabay na misyon. Basta lagi mong tatandaan ang mga detalye sa misyon at tapusin ito sa nakatakdang panahon.

Kashir: Paano kapag naiwala niya ang bato? Kunwari ay dahil sa isang misyon?

Babaeng tumatanggap ng mga bagong dating: Kaya kailangan niya laging ipresenta ang batong ito. Bukod sa batong iyan ay may datos naman ang bawat opisina ng aming grupo sa lahat ng mersenaryo namin. Kahit na mawala ang bato, maaari itong papalitan ngunit may bayad na limang gintong barya at kailangan ng isa o dalawang buwan para makapagbigay kami ng panibagong bato.

Kashir: Limang ginto… ang mahal.

Babaeng tumatanggap ng mga bagong dating: Para mapasaiyo na ang bato ay kailangan mo lamang ilapat ang iyong hinlalaki dito sa parteng ito ng bato at maging dito sa aming bato.

Naglabas ng pangalawang bato ang babaeng tumatanggap ng mga bagong dating. Ang pangalawang bato ay kasing laki ng kamao, pula, at mas klaro ang kulay na para bang ika’y nananalamin.

Babaeng tumatanggap ng mga bagong dating: Ito ay para masabing sa’yo talaga ang bato kung sakaling nakawin o mawala. Walang ibang makakagamit nito bukod sa’yo.

Sinunod naman ni Zephyr ang sabi ng babaeng tumatanggap ng mga bagong dating. Habang nakalapat ang dalawa niyang hinlalaki sa bato ay nakaramdam siya ng init sa kanyang hinlalaki. Tila ba sinusunog ng kanyang daliri.

Zephyr: Ang sakit naman nito! At dalawa pa!

Babaeng tumatanggap ng mga bagong dating: Pagpasensyahan niyo na ho. Talagang kailangan lamang namin na makasigurong walang ibang makakagamit ng inyong pangalan sa aming grupo.

Kashir: Heeeh. Kahit naman ganoon, hindi pa rin naman nasasala ang mga sumasali sa inyong grupo.

Babaeng tumatanggap ng mga bagong dating: Naiintindihan ho namin ang inyong sinasabi pero patas pa rin ho ang aming mga kondisyon sa aming mga misyon at hindi kami tumatanggap ng mga misyon ukol sa pagpatay ng mga tao.

Kashir: Sabi mo eh.

Tila ba may kung anong kidlat na namamagitan sa mga mata ni Kashir at ng babaeng tumatanggap ng mga bagong dating.

Zephyr: Ayan. Tapos na.

Babaeng tumatanggap ng mga bagong dating: Salamat. May misyon ka na ba na gustong tanggapin at ipatala sa iyong bato?

Zephyr: Wala pa. Babalik na lamang ako kapag may gusto na akong tanggapin. Salamat!

Kinuha na ni Zephyr ang kanyang pangmersenaryong bato at umalis na sila ni Kashir sa opisina na iyon.


Nakaraang Kabanata: Ang Alamat ng Isang Mahikero: Kabanata 13

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s