Ang Alamat ng Isang Mahikero: Kabanata 15

KABANATA 15: ALIPIN PARIN SILA NG SALAPI!!

Narasyon:

Nakarating na ang ating mga bida sa bayan ng “K”. Ang una nilang ginawa ay pinasali si Zephyr sa grupo ng mga mersenaryo upang sa gayon ay magkapera sila sa pagtanggap ng mga misyon habang naglalakbay. Hindi na kinailangan ni Kashir sumali sapagkat kasapi na daw siya ng organisasyon ng mga mangangalakal.

Lugar: Sa panglahatang kalsada ng bayan ng “K”

Eksena: Kalalabas pa lamang ng ating mga bida sa opisina ng mga mersenaryo.

Zephyr: Tutal gabi na, bakit hindi tayo maghanap ng matutuluyan at makakainan?

Kashir: Bago ‘yan, tumungo muna tayo sa organisasyon ng mga mangangalakal.

Zephyr: Anong gagawin natin doon? Hindi ba miyembro ka na naman noon?

Kashir: Kukunin na natin ang mga gamit mo. Pero sinasabi ko sa’yo, hindi mo na mababawi ang mga salapi mo at wala na talaga ‘yun.

Zephyr: Ayos lang basta nakuha ko lang ulit ang mga gamit ko. Saka ikaw naman ang gumagastos sa atin. HAHAHAHAHAHAHA!

Kashir: Kaya kailangan na nating matapos ang pakay natin sa bayang ito para makakuha ka na ng misyon at magkapera ka na! Mahiya ka naman sa’kin!

Zephyr: Naks! Ikaw ba nahiya nung kinuha mo ang mga gamit ko at nagsinungaling ka na na kay Rex ang mga gamit ko, ‘di ba?

Kashir: Tara na nga. Sabi ko nga kailangan na natin magmadali para makakain na tayo!

Nakarating na sila sa opisina ng mga mangangalakal. Mas malaki at mas malawak ito kaysa sa opisina ng mga mersenaryo. Makikita sa tuktok ang bandera nila na may litrato ng gulong ng kalesa at gintong barya na halos magkapatong at mukhang numero otso na nakahiga. Makikita din ang litrato sa harap ng gusali nila.

Mayroong limang palapag ang opisina ng mga mangangalakal. Sa unang palapag ay makakapamili ka ng samu’t saring mga bagay sa iba’t ibang maliliit na tindahan at mangangalakal. Sa pangalawang palapag ay makakabili ka ng lahat ng mga kagamitan ng mga kawal (espada, armas, balabal, atbp.) at mga mahiwagang bato. Sa ikatlong palapag ay makakapagparehistro ka sa organisayon at dito din nagaganap ang pagtanggap sa mga ibebenta sa kanilang awksyon na nagaganap lamang dalawang beses sa isang buwan (tuwing kinsenas at ika-trenta ng buwan). Sa ika-apat na palapag ang awksyon nagaganap at hindi basta-basta nakakapasok dito. Ang tinatanggap lamang para makasali sa awksyon ay ang mga mayayaman na mangangalakal o mga may ibebenta na nararapat i-awksyon kasama ang mga miyembro ng organisasyon. Sa ika-limang palapag ang mismong opisina ng organisasyon.

Zephyr: Ang kumplikado naman pala ng organisasyon niyo. Hindi ko ba talaga kailangan sumali dito para makapasok ako?

Kashir: Hindi na. Pwede naman nating sabihin na kasamahan kita.

Zephyr: Sige. Saan mo nga pala kukunin ‘yung mga gamit ko?

Kashir: Ibinigay ko talaga ang mga gamit mo sa kaibigan ko. Balak ko kasing i-awksyon ang mga ‘yun kaya sabi ko sa kanya, kunin na niya ang salapi at iwan na lamang dito yung mga gamit. Pupunta tayo sa ikatlong palapag at doon ko pinaiwan.

Zephyr: Ohh… pero namamangha ako sa inyong organisasyon. Kahit gabi na, walang nagpapahinga!

Kashir: Ano ka ba? Hanggang alas-otso lang bukas ang mga tindahan! Alas-syete na kaya nga nagmamadali na tayo.

Zephyr: Kaya pala gutom na ako.

Kashir: Nandito na tayo.

Lumapit si Kashir sa isang mahabang lamesa sa isang parte ng ikatlong palapag. May kinausap siyang lalaking naka-istasyon sa pwestong iyon.

Kashir: Rayovok!

Rayovok: Kashir!

Mahinang sinuntok ni Rayovok ang balikat ni Kashir at nagkamustahan ang dalawa.

Rayovok: Nandito yung mga iniwan ni Hencho na gamit. Akala ko nga hindi mo na kukunin at ang tagal mong dumating!

Kashir: Tsk. Alam mo namang kumpara kay Hencho, mabagal talaga akong maglakbay! Nga pala, asan na ‘yung mga gamit?

Rayovok: Sandali lang, kukunin ko lang.

Umalis saglit si Rayovok para kunin ang mga gamit ni Zephyr.

Rayovok: Ito na.

Iniabot niya ang isang maliit na bag kay Kashir na siyang iniabot naman ni Kashir kay Zephyr.

Rayovok: Sino nga pala ‘yan? Nakahanap ka ng magiging alalay mo? Akala ko ba naghihirap ka na?

Zepnyr: Hindi ako alalay ni Kashir! Ginan—-

Pinigilan ni Kashir matapos magsalita si Zephyr sapagkat sasabihin nitong nanggagantso siya.

Kashir: Siya si Zephyr. Kababayan ko. Sumama siya para maglakbay dahil nababagot na siya sa bayan namin. Kanya ang mga gamit na ‘yan. Pinatago ko lamang dito dahil marami ang gustong kumuha.

Rayovok: Oh? Ako nga pala ni Rayovok. Isa akong mababang opisyal dito sa organisasyon ng mga mangangalakal. Matagal ko nang kaibigan ‘yang si Kashir. Simula siguro ng sumali siya sa organisasyon namin at dahil ako ang nag-asikaso ng papeles niya. HAHAHAHAHA!

Nakikipagkamay si Rayovok kay Zephyr na siya namang tinanggap ni Zephyr.

Zephyr: Zephyr. Isa akong mandirigma at ngayon, kasapi na din sa grupo ng mga mersenaryo.

Rayovok: Mersenaryo? Tamang-tama pala ang pagsasama niyo ni Kashir! Kailangan ng mga mangangalakal ang mga mersenaryo tuwing naglalakbay sila para protektahan ang mga ikakalakal nila. Hindi ko nga lang alam paano nabubuhay ‘tong si Kashir ng walang tulong ng kahit anong mersenaryo.

Zephyr: Nako. Huwag kang mag-alala, kayang-kaya niya ang sarili niya. Patunay ako diyan!

Nagtatawanan ang dalawa na siya namang alam ni Kashir na tungkol ito sa pagbibiro sa kanyang pagkatao.

Rayovok: Teka, kung mahalaga ang mga gamit mo, bakit hindi niyo na lang ibenta para hindi na kayo mahirapan? Patingin nga.

Zephyr: Psssssh!

Parang pusang galit na galit si Zephyr noong marinig na ibenta na lamang daw ang kanyang mga gamit.

Rayovok: Kalma lang tol. Hindi ka na mabiro. Gusto ko lang malaman ano bang laman niyang gamit mo at maraming gustong kumuha niyan?

Kashir: Zephyr, pwede bang malaman ni Rayovok kung anong mga gamit ‘yang pinagkakaingatan mo?

Inilabas ni Zephyr ang isang makapal na libro na mukhang luma na ngunit maganda pa rin ang balot, isang bakal na mukhang tungkod na may ulo ng dragon sa dulo at may kagat-kagat na pulang bato at may puting mga mata, isang asul na bato, isa pang libro na mukhang naglalaman ng mga mapa base sa balot nito, at isang kwintas na bakal na may nakasabit na maliit na bakal na bilog na kapag binuksan ay may lamang berdeng bato sa loob.

Bukod sa pagkagulat nila sa lahat ng inilabas ni Zephyr, ikinagulat din nila na sa liit ng bag na iyon, nagkasya ang lahat ng gamit niya.

Rayovok: Kaibigan! Ano ang bato sa bagahe mo na nagpapakasya sa lahat ng gamit mo?!

Zephyr: Ay wa—-

Kashir: HA HA HA HA! Ano ka ba Rayovok! Alam mo naman na may mga bagay sa mundong ito na hindi dapat sinasabi lalo na sa kapwa mangangalakal, hindi ba?

Rayovok: Napakadamot mo naman, Kashir! Hindi naman pati mangangalakal ‘yang kasama mo. Pero sige, alam ko namang importante ang impormasyong iyon sa inyo pero kung mabibigyan niyo ako ng batong katulad niyan, tama na ba ang limang ginto?

Zephyr: Limang ginto?!

Kashir: Oi oi oi! Huwag kang magsasalita Zephyr! Saka kung meron pa nga kaming batong kagaya nun, sa tingin mo ba sapat na ang inaalok mong halaga?

Rayovok: Hindi talaga kita maiisahan, Kashir.

Kashir: Oo naman! Sa tagal ko na sa negosyong ganito, bilang nalang sa daliri ko ang makakaisa sa’kin.

Rayovok: Pero sa totoo lang, ngayon ko lang nakita ang mga gamit mo Zephyr. Anung nagagawa ng mga batong ito?

Itinuro ni Rayovok ang asul na bato at ang kwintas na may berdeng bato.

Zephyr: Itong asul na bato ay hindi ko alam kung ano talagang nagagawa niya bukod sa kaya niyang magpalabas ng asul na apoy. Nakuha ko lamang iyan sa isang taong nais kumitil sa aking buhay. Itong kwintas, bigay lamang sa akin ng aking ama at hindi ko din alam ang nagagawa nito.

Rayovok: Maaari ko bang ipakita ito sa aking kasamahan? Hindi ko kukunin o papalitan ‘yan. Dadalhin ko dito ‘yung kasama ko para tingnan ang mga ito.

Zephyr: Ayos lang naman sa’kin kaso hindi ba magsasara na kayo ng alas-otso at hahanap pa kami ng matutuluyan at makakainan ni Kashir.

Rayovok: At problema ba kay Kashir ‘yun? Saulong-saulo na niya ang lugar na ito! HAHAHAHA! Pero kung gusto mo, may iaalok akong bahay tulugan at mayroon na din itong kainan sa unang palapag nito. Kakilala ko ang may-ari kaya makakapag-bigay iyon ng kwarto para sa inyo.

Zephyr: Sige!

Rayovok: Teka, tatawagin ko lang ‘yung kasamahan ko.

Umalis si Rayovok at pumasok sa isang pinto sa kanyang likuran.

Kashir: Zephyr, itago mo na kung ano mang bagay dyan ang hindi mo gustong makita ng ibang tao.

Zephyr: Oo. Itatago ko na itong libro. Mahalaga ito at sabi ng tatay ko ay pagka-ingatan ko.

Kashir: Bakit may tungkod ka dito? Hindi ka naman gumagamit nang bato.

Zephyr: Gamit ito ng tatay ko. Hindi ko pa din nakikitang ginamit niya ito kaya hindi ko alam para saan ito.

Kashir: Itago mo na din yan. Itira mo nalang ang mga bato. Sa iba nalang natin aalamin kung ano ang tungkod na ‘yan.

Zephyr: Wala kang tiwala sa mga kaibigan mo?

Kashir: ‘Wag kang masyadong magtiwala sa mga mangangalakal.

Zephyr: Tulad mo nga.

Kashir: Tseh! Ang nais ko lang sabihin ay kapag may nagustuhan silang bagay sa’yo, kukunin at kukunin nila ‘yan. Patas nga sila at aalukin ka nila ng tamang halaga ngunit, pursigido silang kunin ang mga gamit mo kahit na hindi mo gustong ipagbenta. Walang talab sa’kin ang ginagawa nila pero para sa katulad mong walang kaalam-alam sa mundo, nako!

Zephyr: Eh di dapat pala itago ko na din tong kwintas.

Kashir: Wag na, nais ko din malaman kung ano yan at dahil importante sa mga tao ang mahiwagang bato, hindi natin ipapakuha yan.

Maya-maya pa ay bumalik na si Rayovok at may kasama siyang matandang kalbong lalaki na may mahabang puting balbas.

Rayovok: Ito nga pala ang isa mga tagapasimuno namin dito, si ginoong Lexard. Sila naman po ang mga kaibigan ko na nanggaling pa sa malayong lugar. Ito po si Kashir, miyembro ng organisasyon natin, isa na din po siya sa mga matataas na miyembro natin. At ito po ang kanyang kababayan na isang mersenaryo, si Zephyr. Si Zephyr din po pala ang nag-dala ng mga gamit….

Napansin ni Rayovok na natira nalang ay ang dalawang bato na kanyang unang binigyang pansin.

Zephyr: Ibinalik ko na ‘yung iba ko pang gamit dahil alam ko naman kung ano ang mga iyon.

Rayovok: Ah ganoon ba.

Tiningnan ni Rayovok si Kashir ng masama pero hindi talaga masamang-masama. Si Kashir naman ay pasipul-sipol lamang. Matapos ang pagkakakilala nila…

Lexard: Ito ba ang mga sinasabing gamit ni Rayovok na ipatitingin niya? Mga mahiwagang bato lamang ito. Kaya na itong ipatingin sa mababang palapag na—-

Ilang sandali lamang ay kinuha ni Lexard ang mga bato at mukhang siya’y nabigla dito. Para bang inatake sa puso ang matandang nasa harapan nila at hindi na siya gumagalaw.

Lexard: Saan mo nakuha ang mga ito?

Zephyr: ‘Yung asul na bato po ay galing sa isang taong gustong kumitil ng buhay ko at ang kwintas po ay galing sa aking ama.

Lexard: Hindi mo pa sila ginagamit at hindi mo sila gagamitin?

Napalunok si Zephyr dahil nababasa niyang gustong kunin ng matanda ang dalawang bato.

Kashir: Mandirigma si Zephyr na hindi gumagamit ng mahiwagang bato ngunit sa aming paglalakbay ay minsan, kailangan namin ng mga mahiwagang bato lalo kung hindi namin kaya ang mga kinahaharap naming kalaban.

Lexard: Siya nga naman.

Zephyr: Alam ko lang po ay naglalabas ng asul na apoy ang asul na bato pero ang kwintas ay ipinamana sa akin ng aking ama kaya kahit hindi ko alam ang gamit niyan ay hindi ko ho pakakawalan iyan.

Ibinaba ng matandang lalaki ang mga bato at saka nagsalita…

Lexard: Ang asul na batong ito ay isa sa mga mataas na uri ng mahiwagang bato. Ang apoy ay may iba’t iba uri at lakas depende sa kulay nila at isa sa mga malakas ay ang asul. Hindi lang basta naglalabas ng apoy ang batong ito, nakokontrol niya ang hugis, lawak, at layo ng apoy na mailalabas niya. Ito ang isa sa mga katangian na wala sa mga ordinaryong batong pang-apoy. Bukod doon, hindi nauubos ang kapangyarihan ng batong ito. Pangmatagalan kung baga. Kalimitan sa mga batong naglalabas ng apoy ay limitado lamang ang gamit pero ang isang ito ay walang limitasyon! Paano ko nasabi ito? Kung titingnan mong maigi ang bato, makikita sa loob nito ang tila ba mga granulong puti na paikukt-ikot lamang. Ito ang isa sa mga palatandaan na walang limitasyon ang bato.

Tiningnan ni Zephyr ang bato at nakita niya ang sinasabing granulong puti. Parang mga bituin sa kalangitan ang mga granulong puti na ito sa dami.

Zephyr: Ganon po ba. Ang galing. Paano naman ho itong kwintas.

Dito nagsimulang maging iba ang tingin ng matanda na tila ba may kalaban sa tabi-tabi kaya medyo hininaan din niya ang kanyang boses.

Lexard: Sa totoo lang, sobrang limitado lang ang alam ko sa batong ito…. Alam ko lamang ang pangalan niya.

Zephyr: Tanda naman eh! Akala ko kung ano!

Binatukan nina Kashir at Rayovok si Zephyr dahil nawalan ito ng galang sa kausap na matanda.

Zephyr: Pasensya na ho. Pero kasi akala ko naman kung ano kaya hininaan niyo pa ang boses niyo.

Lexard: Wala ka talagang alam bata ka! Ang pangalan ng batong ito ay “luha ng engkantada”. Bukod doon ay wala nang nakakaalam kung saan nagmula ang batong ito. Nakasulat lamang sa mga libro ang pangalan ng bato at may kung anong nagbura ng iba pang impormasyon tungkol dito. Alam naman nating walang mga engkantada sa mundo pero bakit tinawag na luha ito ng engkantada? Maaari bang ibinibigay nito ang kapangyarihan ng isang engkantada sa may hawak-hawak dito? Makikita mo din na walang limitasyon ang batong ito gawa ng mga granulong puti sa loob nito. Sigurado ka bang hindi mo pa nagagamit ang batong ito?

Zephyr: Hindi na ho naipaliwanag sa akin ng aking ama dahil namatay na ho siya.

Lexard: Kinalulungkot kong malaman iyan.

Zephyr: Wala ho ‘yun. Kaya nga ho ako naglalakbay para tuklasin ang mga misteryo sa mundo. Asahan niyo ho na kapag may nalaman ako tungkol dito, sasabihan ko kayo.

Lexard: Hindi ko alam kung paano nakuha ng tatay mo ang batong ito pero interesado talaga ako sa lahat ng klase ng mga mahiwagang bato kaya kung may iba ka pang makukuhang mahiwagang bato na hindi mo alam, puntahan mo lang ako. O kung may nais kang ibenta na mahiwagang bato, ipakita mo muna sa akin.

Zephyr: Sige ho kaso lang… naglalakbay ho kami kaya baka matagalan pa bago kami makabalik dito.

Lexard: Rayovok, kunin mo ang batong may signatura ko.

Rayovok: Ah! Opo!

Dali-daling nagpunta sa likuran si Rayovok at pagkabalik ay may hawak na siyang isang klarong bato na may nakaukit na signatura ni ginoong Lexard.

Lexard: Ito ang batong may signatura ko. Ipakita mo lamang ito sa kahit anong opisina ng mga mangangalakal at sabihin mong may nais kang sabihin sa’kin. Alam na nila ang gagawin.

Ibinigay ng matanda ang bato kay Zephyr na tinanggap naman ng ating bida.

Zephyr: Waw! Salamat ho ginoong Lexard! Asahan niyo, sa paglalakbay namin, makakakita kami ng maraming mahiwagang bato na magpapahanga sa inyo!

Kashir: Psh. Hindi pa nga tayo naglalakbay.

Lexard: Sige na, gabi na at magsasara na rin ang aming gusali. Mabuti pa ay ihatid mo na sila Rayovok. Alam kong kinontrata mo na ang bahay-tuluyan na pagmamay-ari ng mapapangasawa mo.

Kashir: Ha!?

Natawa na lamang si Rayovok at umalis na din ang matandang si Lexard. Sa susunod na kabanata… mahaba kaya o maiksi? Abangan!


Nakaraang Kabanata: Ang Alamat ng Isang Mahikero: Kabanata 14

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s